A Filipino Sociologist | Isang Pilipinong Sosyologo
Filipino Poems
UST kong mahal
Tugong-likha ko po sa editoryal na nilathala sa Varsitarian Vol. LXXXIV, No. 6, September 30, 2012, na may pamagat na, RH bill, Ateneo, and La Salle: Of lemons and cowards
​
Mahal ko ang UST dahil itinuro nito sa akin
Ang konsepto at kahulugan ng Diyos.
Ngunit higit sa lahat, ang Diyos na buhay
Sa bawat taong bahagi ng lipunan.
Kung ang UST ay isang lipunan
Batid kong ang Diyos ay nananahan.
Subalit paano kung ang koneksyon ng
UST at Diyos ay pinalamlam
Ng isang editoryal?
Kinatawan ba nito ang UST -
Ang mga natutunan ko’t
Mga itinuro sa akin
Ng pamantasan kong mahal?
Hindi po!
Dahil sa UST, sa sosyolohiyang
Aking natutunan –
May lipunang nagtatampok
Sa kapurihan ng Diyos.
Hindi lang sa institusyon ng
Katolikong simbahan ngunit sa bawat
Bahagi nang mas malawak na
Lipunan – labas at lampas sa mga kalye ng
España, P. Noval, Lacson at Dapitan -
Iba man ang pananampalataya,
Oryentasyon o kredo.
Ang Diyos na itinuro sa akin ng UST
Ay di mayabang, di nang-uuri.
Mapagkumbaba, may mabuting-asal,
Mapagmahal.
--
Trabaho: Hubo’t Hubad na Larawan
Dedikasyon
Para sa mga walang trabaho -
(upang malaman niyo na wala talagang makukuhang trabaho).
Para sa mga istambay, nakapag-aral man o hindi -
(upang ngumiti kayo dahil at least enjoy kayo sa buhay).
Para sa mga nakapag-aral na walang trabaho -
(upang umiyak kayo sa masakit na katotohanan) .
Para sa mga may degree na hindi masaya sa trabaho -
(upang makuntento kayo kahit biktima kayo ng sistema).
Para sa mga may trabahong hindi ayon sa kanilang pinag-aralan -
(upang maibsan ang inyong pagrereklamo, s’werte pa rin kayo).
Para sa mga magulang na nangangarap
upang ang kanilang anak ay makatapos ng edukasyon -
(upang mabigyang-kahulugan ang inyong bulag na pagsusumikap).
Para sa mga teachers na nagsasabing may kinabukasan ang mga nag-aral -
(upang minsan, maging makatotohanan at praktikal ang inyong itinuturo).
Para sa gobyernong walang ginagawa
upang magkaroon ng trabaho ang mga kabataan -
(kailangan na natin ng konsepto ng Diyos kapag pinag-usapan ‘yan).
​
Nag-aral ako sa pamantasan
Sa Maynila. Mataas na
Paaralang pandayan ng
Isipan. Ginugol ko ang
Kabataang pinahinog ng
Karunungang dinildil, idinikdik
Ng mga teachers – binago ako,
Hinubog hanggang sa
Makalimutan ko ang aking pangalan-
At pinagmulan dahil ako’y
Nakapag-aral sa pamantasan.
​
May pangakong trabaho pagkatapos
Magsunog ng kilay. Kaya’t
Magulang ko ay nagkumayod
Hanggang maging kuba. Nangutang,
Nagsumikap upang matustusan lang
Araw-araw na baon ng mahal
Nilang anak.
​
‘Di ko napansin ang hirap ng Nanay,
Ang kalyo ni Tatay.Nag-abala ako
Sa pakikisalamuha sa iba’t ibang
Uri ng tao sa Kamaynilaan, nangalit ang
Aking diwa – nagbaga, nag-apoy
Na ang kaalamang hindi tungkol
Sa aking magulang, ngunit tungkol sa
Mundo - aking natutunan - ang espasyong
Malayo sa karanasang aking nilakhan.
​
Tinuruan akong mangarap
Ng mga teachers. Mag-imagine.
Tinulak nila ako sa ideyal na
Pagnanasang umusad, lumakad
Nang matulin patungo sa materyal
Na tagumpay. Umangkin ng yaman,
Yumakap ng pera – mula sa
Pagsusumikap. Humanap ng
Trabaho. Trabahong magbibigay
Sa akin ng dignidad, magsasalba
Sa tumatanda kong mga magulang
(Na ang mukha’y may guhit-latay ng pagod)
Upang sa hirap makaalpas.
​
Ipinangako sa akin ng pamantasan na
May trabaho – naniwala ang
Mga magulang ko – sa pangako ng
Edukasyon.
​
Ngayong edukado na ako. May diploma.
May degree. Ang mga teacher ko, teacher
Pa rin. Ang mga magulang ko –
Ninakawan na ng lakas – hinigop
Nang mapaghiganting timbangan ng buhay.
‘Asan ang trabaho? ‘Asan ang pangarap?
Wika ng teacher ko, “Ginagawa pa rin
Sa espasyo ng imahinasyon”.
“Kamamatayan ko na ang ganitong
Kondisyon ng buhay,” buntong-hininga ni Nanay.
“Hay, naku!,” sabay pahid ng luhang
Tumutulo sa aking mata.
“’Tang-inang buhay ito.”
Likha (December 13, 2003)
Room 2119, FASS Bldg, Dalhousie University
Nova Scotia, Canada
Larawan
Kung ang mundo ay tulad ng isang larawan
At ito’y naka-kuwadro, hindi bilog
Walang kapal at ‘di gumagalaw.
Ninakaw ang buhay at inalisan ng kinabukasan.
Ang larawan ay maghahayag lamang ng nakaraan,
Walang salita pero may iba’t ibang hugis,
Samu’t saring kulay na maaaring haluin,
Gamit ang isang lapis at crayola ng imahinasyon
Na habang iginuguhit ay hindi maaaring bumulong ng
Kahit anong salita. At kung maaari - tatakpan ang tenga
Upang ‘di marinig ang huni sa paligid. Ipipikit ang mga
Mata upang ‘di masilaw ng liwanag.
Anong larawan ang iyong maipipinta?
Ngayong taon, sa paggunita ko ng muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, tinanong ko ang aking sarili kung sakaling bawian ako ng buhay at tangkain kong sumama sa Kanya sa pag-akyat sa langit, ano ang regalo ko sa Kanya?
Huwebes Santo
Abril 17, 2003
Halifax, Nova Scotia Canada
Isla ng Talim
Magtatangka akong magtampisaw
Sa yumi ng tubigan.
Alon na sa bawat paghataw -
Kiming bangka ay pinapagalitan.
Malamig ang hanging kinasasadlakan
Ng lito kong isipan --
Anong dahila’t dito ako humantong?
Akala, pangamba’t dangkal na tanong.
Sa bangka pabalik ng bayan
December 30, 1996
2004: Ang Misteryo ng Panahon
Nakamamanghang isipin na bagong taon na naman -
Labing-dalawang buwan ng 2003 ang nakalipas,
Na para bang hanging dumampi’t nagpaalam.
May misteryo nga ang panahon, tulad nang paggalaw
Ng kalawakang nagbabadya ng mga ‘di inaasahang
Ulan, bagyo, kulog, kidlat sa likod ng haring araw.
Nakakatuwang mamalas na ang tao’y natutong
Bumilang ng sandali, gamit ang metro ng orasan -
Segundo, minuto, oras, araw at buwan.
Ang misteryo ng panahon ay ikinahon sa numero
Upang ang abstraksyon ng buhay mahuli’t mahawakan,
Mapaglarua’t masakop nang naghahari-hariang tao.
Nakakapanabik ipagdiwang ang bawat Bagong Taon –
Sapagkat may pag-asang dulot sa gitna ng mga balakid
At bukang-liwayway matapos magparamdam ang dapit-hapon.
Ang panahon ay humihikbi’t nagagalak rin
Umiiyak sa bawat sandaling nakadarama ng hirap
Ngumingiti’t nagsasaya sa likod ng paninimdim.
Nakakatakot ring isipin kapag ang tao’y nakalimot
Sa orasan ng buhay. Sa panahong pinalaya na niya ang
Sariling puno ng karunungan ngunit sa kaluluwa’y dahop.
Dito ang misteryo ng panahon ay magpapamalas
Nang tunay niyang anyo at kapangyarihang
Hindi abot ng isip ngunit dama ng dibdib.
“Walang halaga ang bagong taon, kung walang pag-ibig.”
Likha (1-3-03)
Postmodernism
Ito ay isang uri ng bokabularyong umusbong,
Reaksyon sa itinuturing na moderno.
Intelektuwal na proyektong sumagot sa rasong nakagapos
Sa dikta ng dambuhalang naratibong – kwento daw ng mundo.
Itinuturing na traydor ng istruktura at sistema na
Binubuwag ang lahat ng meta -
Pisikal, pilosopikal o anumang ideolohiya.
Ang argumento’y hindi mula sa iisang pundasyon na
Nagkukunwaring batayan ng kaalaman.
Sa halip ang pormulasyon ay hango sa samu’t saring lebel
Ng pag-iisip, mula sa iba’t ibang boses
Na sanga-sanga ang relasyong na waring nag-uusap,
Nagbabalitaan. Talakayang walang kinikilingan.
May bilis na kapansin-pansin ngunit ‘di namamalayan.
Dala ng bagong teknolohiya – rumaragasang mabilis
Ang bugso ng impormasyon na para bang di binibigyang
Pansin ang limitasyon ng layo o espasyo.
Oo, lahat ay posible ‘pagkat ang perspektibang ito ay
Bukas, mapaglaro,mapag-imbento, malikot, malikhain –
Iba’t iba man at komplikado, ang interpretasyo’t kahulugan ay
Isang bagong rebolusyon ng pag-iisip.
Ang katotohanan – wala sa kalawakan, wala sa karimlan.
Ginagawa’t hinuhubog, pinapanday at pinapatalim ayon sa
Pangangailangan. Praktikal ang aplikasyon at walang
Misteryosong bagay na nagdidikta. Umuusbong na may
Panibagong kamalayan na kritikal sa modernong batayan.
Mapanghinala man ngunit ‘di mapanghusga.
***
May paniwala sa kakayahan ng tao na nakikipaglaro sa lipunang
Iginuhit ng istruktura taliwas sa kapalarang di natutunang nagpapaubaya.
May respeto sa
Bukal ng perspektiba at may pasensya sa porma at pigura,
Sa anyo man o kaisipan. Walang mali o mas tama –
Sa kontexto nang paghabi ng pagpapakahulugan.
May malalim na paggalang sa katauhan at hinahamon ang
Mismong hamon ng pagpapakatao. Sa isang mundong ang
Moralidad ay puno ng sakit at kalituhan na madalas na
Nagbibigay dahilan sa pananakit at karahasang
Naglilingkod sa interes ng iilan – ang makabagong pananakop.
Ngunit ako, upang ‘di makulong sa bitag ng modernong naratibo:
Magsasalaysay at lilikha, mag-iimbento at tutuklas.
Isasalaysay ko ang aking kasaysayan. Lilikha ako ng bagong buhay.
Iimbentuhin ko ang aking sarili nang may pananabik
Hanggang sa matuklasan ang aking kwento. May saysay din pala ako.
Isinumite bahagi ng final examination sa kursong, Contemporary Sociological Theory ni Prop. Randy David sa UP Diliman, Marso 22, 2002
Plantsa
Isang tribute kay Ninoy at sa Mama Volet kong mahal; interseksyon ng kasaysayan at buhay ng mga dakilang Nanay na walang inisip kundi mamalantsa para lang maging maayos ang damit ng kanilang mga mahal sa buhay kahit mapaghamon ang lipunang ginagalawan. - Yayet
​
Alalang-alala ko pa,
Hapong karaniwan
Noong Agosto 21, 1983.
Habang ang Mama ko’y
Namamalantsa,
Ang telebisyon ay nangusap -
Si Ninoy pinaslang
Sa tarmac ng paliparang
Ang plano’y plinantsa daw
Ng pinunong huwad.
Pinadilim man ang hapon
Ng dugong dumaloy
Ngunit nagpainit sa
Plantsang gamit ng
Mama kong naiinip.
Gusto na kasi ni Mamang
Matapos ang pamamalantsa.
Nais na niyang magpahinga
Sa diktaturya ng buhay,
Ng hirap at pulitika.
​
Nang tanungin ko siya
Bakit pinatay si Ninoy?
Walang sagot si Mama.
Basta lalo lang humigpit
Ang kanyang kapit
Sa plantsang mainit.
Sa VG Cruz corner Dapitan
Manila, Philippines
August 21, 2012
Istatus
Pinagmamasdan ko ang mga taong dumaraan
sa aking harapan. Suot ay iba't iba,
Borloloy sa katawa'y samu't saring
nagpipinta ng imahen kung sino sila –
Sa labas ng kanilang pagkatao.
Kahit pala paglakad ay may bilang,
ang pagtawa'y tinitimpla, at ang pagtingi'y may koda -
Nagpapakilala kung sa'n sila nagmula
at kung pa'nong ang kanilang kilos ay nagkagan'un.
May antas ang gawi at may sinusundang
direksyon ang galaw. Kung mangyaring guluhin,
at digmain ang kaayusang dinikta
ng panlipunang istruktura - malilintikan ang istatus!
'Pagkat maninibago't mag-aalsa -
Huhugot ng rasong taliwas sa
kinagisnang hinulaan ng bulag na kamalayan.
Likha (Agosto 13, 2003)
Maritime Centre
Dalubhasang Kaalaman
Natutunan kong
pahalagahan ang pag-aaral.
Kaya naman nagsumikap akong
Edukasyon ay matapos upang
maabot ang tore ng pamantasan.
Hinubog ng mga bagong wika
ang limitado kong bokabularyo.
Hanggang sa malimuta’t,
mapalitan - ang tinubuang
bulong ng banyagang ewan.
Ayaw ko mang iwanan
dati kong gawi at kinaugaliang kilos -
Ang mapaiil na istrukturang edukasyon
ay lumapit, higpit na yumakap,
humaplos, humalik na anyong tupa.
Kinontrol ang aking kaalaman
sa kulungang-bakal ng paaralan.
Balot ng karisma at
pinatatag ng estado.
Rehas na ang binilanggo’y
Estudyanteng tulad ko.
Malikhaing karahasan na
sinasagisag ng kaalaman.
Kaya’t kahit ako’y presong hindi
Hinatulan, ako nagpakadalubhasa
Upang tulad ng iilan-
Edukado akong
Nagkakamal ng kapital.
Hulyo 21, 2003
Sa Winwick
9:28 ng gabi
Isla ng Talim
Magtatangka akong magtampisaw
Sa yumi ng tubigan.
Alon na sa bawat paghataw -
Kiming bangka ay pinapagalitan.
Malamig ang hanging kinasasadlakan
Ng lito kong isipan --
Anong dahila’t dito ako humantong?
Akala, pangamba’t dangkal na tanong.
Sa bangka pabalik ng bayan
December 30, 1996
Skylab sa Laot
Malamlam ang umaga. Magbabakasakali kaming
Makahuli ng isda sa laot.
Pambili man lang ng kape’t asukal sa bayan,
Nang sa gutom ay di mamaluktot.
Malinaw ang tubig. Tiyak siguro ang isasaing
Na bigas at gatas ng bata.
Makaanim na kilo man lang ay sapat nang
Matikman ang pritong kasahog ng mangga.
Walang palangoy ang gagamitin naming
Bangka. Magalaw at mabuhay
Itong kumilos. Di na bale basta’t magagamit
Na pang-angat ng isda sa skylab.
Umiindayog ang lunday sa
Walang ingay na lawa. Di maalon, matining.
Walang kumikislag na isda sa ilalim.
Waring ayaw pabulabog, parang nag-iisip.
Nang marating namin ang skylab, tahimik
Pa rin kaming nagmamatyag. Hinugot
Pataas ang lambat. Maayos na yungib
Ng isdang sa patibong ay pumasok.
Huli ka! Di ka na makakabalik! Ito ang
Sigaw ng aming isip. Bawat
Patibong ay gumagalugad sa sulok at
Tabi. Walang ligtas sa aming kalat.
Pilit naming itinaas patungong gilid
Ang huli ng skylab. Unti-unti,
Maingat na inaangat. Naririnig na ang
Kaliskisan. Anihan na ng binhi!
Sa unang salok ay pawang mga similya.
Puno ng talahisa. Ayunging
Maliliit. Tilapyang payat. Big head na
Abnormal. Lawang sinungaling.
Kapuryak na hango. Ni wala pang isang kilo!
Pang-ulam lang. Gano'n uli.
Lilimutin namin ang araw na ito.
Bukas, muling magbabakasakali.
July 7, 1998
4:58 PM
Sa bangka habang papauwi sa bayan ng Binangonan
Istambay
Hindi lahat ng mga kabataan ay
nakapag-aral o nag-aaral.
Hindi lahat ng kabataan na nag-aaral ay
nakakapagtuloy ng pag-aaral.
Hindi lahat nang nagtatrabaho ay nag-aral.
Hindi lahat nang nag-aral ay may trabaho.
Hindi lahat nang nag-aral ay may trabahong
ginagamit ang kanilang pinag-aralan.
Hindi lahat ng istambay ay
tamad at ayaw magtrabaho.
Hindi lahat nang humahanap ng
trabaho ay nakakakita nito.
Hindi lahat ng kabataan ay
gustong umasa sa kanilang mga magulang.
Hindi lahat ng kabataan ay masaya
kapag nakikita nilang nahihirapan
ang kanilang mga magulang.
Hindi lahat ng kabataang nakagawa ng
maling desisyon sa kanilang
buhay ay ayaw ng pagbabago.
Saan, kailan at sa paanong paraan
Mabibigyang-solusyon ang mga
Suliraning transisyon ng
Kabataang Pilipino?
Hindi lamang sa pamamagitan ng
Kanilang mga sarili.
Hindi lamang sa palagiang tulong ng
kanilang mga magulang
At mga kapamilya.
Hindi lamang sa pagmamalasakit ng pamayanan.
Hindi lamang sa polisiya at batas.
Subalit higit sa lahat, ang muling pangangarap —
Na sa pag-intindi at pananaliksik sa mga
Isyung ito – May isang bagong bukang-liwayway
Na magsisilang ng bagong henerasyong
Makikipagtulungan sa dating henerasyon
Upang baguhin ang kasalukuyan.
Nang ang di pagkakapantay-pantay sa lipunan
Di man mawala nang tuluyan ay maibsan nang labis –
Upang ang susunod na henerasyon ay
Hindi na magkukwento ng naratibo ng hirap ng
Kanilang mga magulang.
Sa halip, ang ibubunyag ay
kwento ng pag-asa, pagmamahalan at tulungan.
Ang simpleng salaysay kung paano ang nakararaming
Karaniwang pamilyang Pilipino ay nakaalpas
Sa tanikala ng kahirapan.
Hindi lahat ng pangarap ay natutupad.
Ngunit sana, ang mga kataga sa tulang ito ay
Hingahan ng Maykapal –
Upang magkabuhay.
​
Orihinal na pinamagatan ko ang tulang ito ng “Hindi Lahat”ngunit matapos ang pagsusuri, binago ko ito sa “Istambay” bilang pagkilala na ang ugat, utak at bituka ng mga kahulugang kumakatawan sa aking damdami’t isip noong kinatha ko ito ay tungkol sa kanila, silang mga tambay na nagbigay inspirasyon sa aking disertasyon. Isinulat ko ito sa gitna ng aking fieldwork, Disyembre 2005.
---